ni Nelson Turgo
Magandang umaga sa ating lahat.
Nagpapasalamat ako sa paanyayang ipinaabot sa akin bilang tagapanayam sa
programang ito. Nais kong banggitin na ang programa ay parehong nakakatuwa at
nakakalungkot. Huwag kayong magugulat sa sinabi kong ito. Ako man minsa’y
nagugulat din sa mga sinasabi ko. Natutuwa ako sapagkat may inilaang panahon
ang pinakamalaking unibersidad sa Timog Katagalugan upang ipagdiwang ang Buwan
ng Wika. Ibig sabihin, sa aking palagay, mahalaga sa inyong unibersidad ang
anda (function) ng wika sa pagsusulong ng kahusayang pang-akademya. Nalulungkot
ako dahil ipinagdiriwang pa natin ito. Ibig sabihin lamang, mabuway pa ang
ating Pambansang Wika. Kinakailangang taon-taon, paalalahanan tayo na Filipino
ang ating wikang pambansa. Sa mga bansang Hapon, Pransya, Thailand, Malaysia,
Rusya at iba pa, wala silang katulad na pagdiriwang. Hindi dahil sa wala silang
pagmamahal sa kanilang pambansang wika kung hindi dahil sa ganap ng pambansa
ang kanilang wika kung kaya’t hindi na kinakailangan pa ang mandato ng estado
upang ipagdiwang ang kayamanan at kapangyarihan ng kanilang wika. Astig na ang
mga wika nila, kumbaga.
Kanina, habang sakay ako ng JAC
Liner, may nakasakay akong nagtapos ng nursing sa isa sa mga paaralan dito sa
Lucena. Nakapasa na raw siya sa board. Ang inaatupag niya ngayo’y pagrereview
ng kanyang Ingles upang makatungo na sa Estados Unidos. Kukuha siya ng TESL at
iba pang pagsusulit. Habang nagkukuwentuhan kami, panay ang kanyang Ingles.
Nang dumaan ang konduktor, dahil hindi pa siya nasusuklian, bumanat siya ng:
Excuse me, I have not received my change yet. Hmmm. Sabi ko, my cockney accent
na ang epal. Mukhang nag-aral sa Dela Salle sa Maynila. Bumaba siya sa malapit
sa Diversion samantalang ako’y tumungo ng Grand Central Terminal. Habang
nagpapalipas ako ng oras sa Greenwhich at ginagawa ang papel kong ito, naisip
ko, sadya nga yatang napakahalaga na ng Ingles. Kung hindi ka marunong
mag-Ingles, limitado ang iyong oportunidad. Ang wika’y sandata at ang Ingles ay
bazooka.
Tayo ay nasa panahon na di-maampat
na globalisasyon. Sa Philcoa, lugar na sakayan patungong Unibersidad ng
Pilipinas, sangkatutak ang nakabalandrang ponkan. Wala ng nagtitindang
dalanghita. Nang minsang mapagawi ako sa isang bilihan ng sapatos sa Rockwell,
isang upscale shopping mall sa Maynila, ang Nike at Adidas ay gawa sa China,
Vietnam at Indonesia. Sa isang linang sa aming bayan, habang binabagtas namin
ang daan patungong bundok, nakakita ako ng isang basyo ng mineral water, Evian
ang tatak. Imported galing Pransya ang mineral water na ito. At ng minsan
namang dalahin ako ng aking mga paa mulang Maharlika Hi-Way patungong SM City
Lucena, ang Lander na handwash na nabili ko sa SM City North Edsa’y naroroon
din. Tila nga wala ng pinipiling lugar ang globalisasyon.
Sa pambansang sandali ng ating
kasaysayang ito, bakit kinakailangan pa nating palakasin ang ating pambansang
wika habang nag-aaral tayo ng iba pang mga wika?
Himatong ng aking argumento na dapat
tayong makialam sa pagbubuo ng pambansang identidad. Ito’y hamong kailangang
tugunan nating lahat. Sa pagkatunaw ng mga muhon ng pagkakaiba bunsod ng walang
humpay na Hollywoodization at McDonaldization ng ating bansa, laging angkop na
pagpursigihan ang paggamit ng wikang Filipino upang itampok ang ating
pambansang kaakuhan. Naririyan na ang globalisasyon. Walang makakatakas dito.
Testamento nito ang SM City Lucena at ang mga shop na nasa loob nito. Pinapatay
nito ang lokal na industriya. Noong maliit pa ako, ang puntahan namin ay
Padillo, Ramchand, Recio, Hacienda Inn at kapag kakaiin ng siopao, ang tungo’y
sa Kachina. Ngayon, iisa na ang takbo ng paa: SM City Lucena.
Noong nakaraang taon, nagpalabas ng
kautusan si Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na lalo pang pasiglahin ang
pagtuturo ng Ingles sa mga mag-aaral sa elementarya at hayskul. Ang atin daw
kasing kahusayan sa wikang ito ang ating advantahe sa iba pang mga bansa sa
Asya. Ang sabi pa ng kanyang mga chuwariwap, mahalaga daw ito sa pagpapahusay
ng ating ekonomiya. Ibig sabihin, sa simpleng termino, kapag napakahusay natin
sa Ingles, malaki ang posibilidad, yes, citizens of Enverga Republic, believe
it or not, uunlad ang ating bansa. Nang marinig ko ito, nautot ako.
Ang kahusayan sa Ingles ay hindi
katapat ng kaunlaran sa ekonomiya. Hindi ko alam kung bakit sangkatutak ng
datos ang lumabas ay hindi pa rin ito matanggap ng marami sa ating mga
Filipino, partikular na yaong mga nasa gobyerno. Hindi ko batid kung
nag-jo-joke-joke lamang sila o talagang ang mga IQ nila ay IQ ng lamok.
Walang duda na kailangan natin ang
Ingles. Walang duda na mahalaga ang Ingles. Subalit, dito man ay marami nang
mga maling akala tungkol sa kahalagahan ng wikang ito. Isa sa mga maling
akalang ito ay ang maling paniniwalang ang Ingles ay ang susi sa kaunlarang
pang-ekonomiya.
Ating tingnan halimbawa ang ilang
datos ng ating kontemporanyong kasaysayan na magpapabulaan sa guni-guing ito
Nilagpasan na tayo ng Thailand,
maniwala man kayo o hindi. Noong magkapalad akong mabisita ito noong 2000
bilang grantee ng Pamahalaang Hapon, kapag lalabas ako ng hotel room ko at
mag-iiwan ng impormasyon sa front desk, lumalabas ang kagalingan ko sa
pagdo-drawing. Hindi kasi sila mahusay mag-Ingles. Minsan sa inis ko, hindi
lang ako nagdrawing upang ipaliwanag ko sa front desk na aalis ako sandali,
pero babalik din at kung may dumating ay sabihing maghintay, kinulayan ko pa
ang aking drawing with matching smiley. Paglumabas naman ng hotel, ang
babalandra sa iyo ay mga direksyong nakasulat sa kanilang wika, sulat-bulate,
sabi nga. Ang mga nakasama ko mulang Chulalongkorn University, pagnag-uusap
kami, sign language. Pero, anak naman ng pating, tingnan ninyo ang kanilang
ekonomiya ngayon. Kung sila ay tiger economy na, tayo, kuting pa rin. Ang isang
taong bilang ng ating mga turistang bumibisita, isang buwan lang sa kanila. At
Ripley’s Believe it or Not, ang Thailand ang ikalawa sa Japan sa buong
Southeast at South Asia pagdating sa computer technology. Ang website halimbawa
ng Chulalongkorn University, dalawa ang version: isang nasa Ingles at isang
nasa kanilang wika. Sa atin, kabilang na ang UP, ang website lahat nasa Ingles.
Sa mga nakalipas na taong pilit na
isinasaksak sa atin ng mga baliw nating opisyal sa pamahalaan na Ingles ang
gamiting wika sapagkat ito ang magsasalba sa atin sa kahirapan, ito ang ating
kinasadlakan.
Malinaw sa ating kasaysayan na ang
Ingles ay hindi lamang naging paraan ng komunikasyon kundi paraan ng
kolonisasyon. Ang Ingles ay hindi naging paraan para sa pag-uusap ng mga
mamamayan. Naging paraan ito para sa paghahati-hati ng mga mamamayan. Ang
tanging diyalogo na ginawa nito ay ang diyalogo sa pagitan ng pamahalaang
kolonyal at ng lokal na naghaharing uri. Kasunod sa kaputian ng lahat, ang
galing sa paggamit ng Ingles ay naging pasaporte sa sirkulo ng kapangyarihan.
Matagal ng sinasabi ng mga dalubhasa
sa wika na mahalagang maituro ang mga batayang kaalaman sa matematika, agham at
teknolohiya sa sariling wika, Filipino man o Cebuano. Subalit hanggang sa
ngayon, iilan pa lamang ang gumagawa nito. Sa UP Integrated School halimbawa,
itinuturo ang matematika, pisika, kemistri at ekonomiya sa wikang Filipino.
Nang magsagawa ng pagsusulit, yaong mga nag-aaral gamit ang Filipino ay mas
mataas ang nakuha kasya sa yaong ang gamit ay Ingles. Ayon din sa mga guro,
biglang dumami ang tanong ng mga mag-aaral sa inertia, equilibrium at
thermodynamics sapagkat mahusay nilang naipapaliwanag ang kanilang mga sarili.
Sa mga klaseng ang gamit ay Ingles, boses lamang ng guro ang naririnig.
Magbanggit pa ako ng isang
halimbawa. Palasak na ang usapin tungkol sa Third International Math and
Science Study (TIMMS) pero gagamitin ko pa rin itong halimbawa para makita
natin ang halaga ng sariling wika kaugnay ng pagtuturo ng agham at matematika.
Noong 1997, binigyan ng test sa
agham at matematika ang ilang piling estudyante sa hay-iskul mula sa 71 bansa
kasama ang Pilipinas. Ang resulta, sa Math, walang bansang nagsasalita ng
Ingles ang napabilang sa TOP 10. Samantala sa Science, tanging ang Inglatera
lamang ang pumasok at pangsampu pa. Nanguna sa eksameng ito ang mga non-English
speaking na bansa katulad ng Japan, South Korea, Czech Republic, Slovakia at
Bulgaria. Ang US ay pang 28 sa Math at ika-17 naman sa Science. Ang Pilipinas
ay hindi umabot sa listahang inilathala. Nasa likod tayo ng South Africa,
Kuwait at Colombia. Nakakaiyak Kuya Cesar.
Sa mga bansang mauunlad, kahanga-hanga
ang kanilang pagmamahal sa kanilang wika. Sa Malaysia, ang mga pabatid sa
trapiko ay nasa wikang Bahasa Malaysia. Sa kanilang mga bookstore, ang mga
aklat ay nasa wika nila. Ang tawag sa Silicon Valley nila, Cyber Jaya at ang
sentro ng kapangyarihan, Putra Jaya. Tayo, panay Ingles ang titulo, no left
turn, industrial park at no swerving. Nang makabisita ako sa Alemanya at
Pransya para sa kumperensya, ang mga aklat na mayroon sila ay nasa kanilang
wika. Mayroon pa nga akong nakitang aklat ni F. Sionil Jose, isa mga higante ng
ating panitikan, na nasa wikang Pranses. Nang dumalo ako sa magkahiwalay na
panayam sa Universite de Paris-Sorbonne at College de France, nagbigay ng
panayam ang pangunahing intelektwal nila na si Peirre Bourdieu sa Pranses kahit
pa nga kalimitan ng nakikinig ay mga banyaga. Ang kanilang dahilan, aralin mo
ang aming wika kung nais mong alamin ang nais naming sabihin. Nasa wika namin
ang aming karungunan at wala sa iba. Wala man akong naitindihan kundi ang mga
salitang maidemoselle, moinseur at, comment sava, naramdaman ko naman ang
kanilang pagmamaghal sa wika.
Sa ating bansa, ramdam natin ang
valorisasyon o sobrang pagpapahalaga wikang Inggles. Naghuhumiyaw ang
katotohanang ito. Kapag magaling ka sa Ingles, matalino ka, at pag hindi, bobo.
Muli, gusto kong mautot. Kapag balubaluktot ang Filipino katulad ng Filipino ni
Vanessa del Bianco, cute, kapag balubaluktot ang Ingles, tumataginting na The
Coconut-nut is a giant nut, BOBO. Kilitiin nyo ako, ayaw kong maiyak.
Ipinaliwanag na ni Renato Constantino ang implikasyon ng ganitong kaisipan sa
kanyang sanaysay na “The Miseducation of the Filipino”, subalit hanggang
ngayon, hindi pa rin tayo matuto.
Kalimitan, sa mga unibersidad,
second class citizen ang mga nagtuturo ng Filipino. Mas mataas ang pagkilala sa
mga nagtuturo ng Ingles. Lagi’t lagi, sila ang ipinapadala sa mga kumperensya
at pinapakinggan sa mga pagpupulong at pagbibigay ng desisyon. Ito ang reklamo
ng mga guro sa ilang unibersidad na aking nabisita sa Visayas. Kalimitan daw, kapag
Filipino ang subject, ibinibigay na lamang kahit kanino. Ang reklamo ng isa, PE
ang kanyang tinapos, bigla siyang pinagturo ng Filipino. Paano nga naman siya
magtuturo ng mahusay kung hindi naman niya gamay ang subject? Naranasan ko na
rin ito minsan. Sa isang kumperensya, may nakalapit akong babaeng guro.
Paumanhin sa mga babae pero babae talaga siya, may makapal na salamin,
pinahiran ng crayola ang mukha, nakapusod na buhok at masansang na amoy ng
pabango, amoy albatross. Teacher daw siya ng Ingles. And she likes daw
Shakespeare ang James Joyce and all those western writers, hahahaha. Ano ba daw
ang itinuturo ko at sino ang favorite writer ko, sabi ko Flipino. Namilog ang
kanyang mga mata, humikab, tinanggal ang salamin at nagwikang: Oh really, so you
teach sugnay, pang-uri, pangdiwa, at Balarila ni Lope K. Santos, hahahahaha.
Ano ba daw ang Filipino sa French fries, piniritong Pranses, Hahahaha. Kung may
hawak akong bomba atomika, ginawa ko ng Nagasaki at Hiroshima ang bunganga
niya. Pero dahil gumagalang ako sa matatanda partikular na yaong mga amoy lupa,
ngumiti ako. Ang sabi ko, walang literal na translation kasi wala naman sa
ating kultura ang pagpipirito ng patatas. Eh di gamitin ang French Fries, sabi
ko. Bilang pagresbak, sinabi ko naman na itranslate niya sa Ingles ang
bikang-bikang, minukmok at sinaludsod. Bigla siyang natahimik. Ako naman ang
nagtawa. Hahahahaha. Maya-maya, tinawag na ako para sa pagbasa ng aking papel.
Ang papel ko’y ukol sa problematisasyon ng espasyo bilang larang ng pulitika
gamit ang dalumat sa lunan ni Henri Lefebvre isang teorisistang Franses. Nang
matapos na akong magbasa, muli akong nilapitan ni Miss Tapia.
Nakangiting-nakangiti siya. Ang ganda-ganda raw ng papel ko. Hindi niya
naintindihan. Malalim daw kasi ang Filipino ko. Ngayon, hindi na ako mabait,
gusto ko na siyang ilibing ng buhay. Ang sagot ko sa kanya. “Hindi po malalim
ang aking Filipino. Mababaw lang talaga kayo.”
Ito ang kasawian ng ating bansa.
Hanggang ngayon, ang tingin sa Filipino’y wika ng mga katulong, pahinante sa
dyip, kargador sa pier, maglalako ng pansit at taho. Hindi maisip ng mga
Ingleserang Frankenstein at Dona Victorina na maaari ng gamitin ang Filipino sa
mga diskurso at larang nga teorisasyon katulad ng hermenyutika, semiotika,
post-istrukturalismo, post-kolonyalismo, konseptong habitus ni Pierre Boudieu,
panopticon ni Michel Foucault at gahum/hegemonya ni Antonio Gramsci. Kawawa
naman ang mga taong ito. Gusto kong maiyak para sa kanila.
Subalit hindi ko sinasabi na
kalimutan na natin ang Ingles. Mali kasi ang pag-iisip ng marami na sa
pagpapalakas ng Pambansang Wika, pinapahina ang Ingles. Tumataginting itong
kauluan at kabobohan na walang kapantay. Dagdagan ko pa, super duper mega
katangahan. Ayon nga kay F. Sionil Jose, wala ng makakapigil sa pagtatampok sa
Filipino bilang pambansang wika. Laganap na ito sa media. Paano ba nakilala ng
mga taga Visayas at Mindanao sina Dao Ming Zhi, San Chai, Marinara at Mulawin?
Sa telebisyon at ano ang gamit na wika? Filipino.
Ito ang hamon sa ating lahat, ang
pagtatampok sa wikang Filipino bilang pambansang wika sa lahat ng aspeto ng
buhay, mulang akademya hanggang bahay. Sa panahon ng rumaragasang globalisasyon
at homogenisasyon ng mga kultura, tanging Filipino ang ating pag-asa. Kaya
naman, kapag ako’y nagagalit, hindi ako sumisigaw ng Fuck You, Putang Ina ang
sinasabi ko.
Hindi
po ako nagmumura. Fish Tayo. Maraming salamat.
No comments:
Post a Comment