PINAKAMAGANDA si Nieves sa kanilang baryo. Pinakamarami pang
manliligaw. Pero nang mamili si Konsehal Atong Magdaraog at Manang Felipa ng
magiging Reyna Elena sa Santacruzan, si Agnes Cailles na anak nina Dońa Aurora
at Don Augusto ang kanilang kinuha. Hindi rin sa kanya ibinigay ang papel ng
Reyna de las Flores kundi kay Thelma Azurin, ang wala-pang-dose anyos na anak
ni Manang Sylvia na may-ari ng maraming mga mini-groceries sa buong lalawigan.
Walang
nagawa ang mga kabataang may gustong si Nieves ang maging pinakatampok sa
taunang prusisyon. Mga Hermano’t Hermana Mayor kasi ang pumili at ang mga
pinili nga nila ay mula naman sa pinakamayayamang angkan sa kanilang lugar.
Kahit nga ba hindi gaanong kagandahan ang mga ito, tiyak namang magpapabonggahan
sa mga isusuot na gown. Si Pitoy Moreno pa raw ang gagawa ng terno ni Agnes
samantalang si Rikki Jimenez ang tatahi ng kay Thelma.
Naging
bulung-bulungan ito sa mga umpukan. Magiging kahiya-hiya raw sa mga bisitang
manonood ng Santacruzan dahil kahit na ang mag-i-Infanta Judith na si Sylviang
katukayo ng ina ni Thelma ay di-hamak na mas maganda kaysa kay Agnes. Paano na
kaya kung kay Nieves pa ikukumpara ang unica hija ng mga Cailles?
NAGING Reyna Sentenciada lamang
si Nieves at kahit nakakadena siya’t may piring ng manipis na tulle ang mga mata, lutang na lutang pa
rin ang kanyang ganda. Kaya hindi nakapagtatakang sa kanya nagkaipun-ipon ang
mga kabinataang nakikipagprusisyon at buong gilas siyang tinanglawan ng mga
hawak na kandila. Mabuti’t masyado pang bata si Thelma kaya balewala sa kanya
kung mga tagabantay lamang nila sa grocery ang kanyang kasabay sa prusisyon.
Pero bahagya nang nailihim at naikubli ni Agnes sa kanyang tabinging ngiti ang
pagkainis at pagkainggit kay Nieves. Kitang-kta sa kanyang mukha. Paano naman,
talagang nakasisilaw ang mga ilaw na sa kanya’y tumatanglaw mula sa desiyentong
bombilya na pinaaandar ng kuryente mula sa generator na inarkila pa ng mga
Cailles mula sa Kapitolyo.
Kitang-kita
tuloy ang mukha ni Agnes na hindi naremedyuhan ng make-up ng galing pa sa
Maynilang beautician ni Fanny Serrano. Suwerte’t napakaingay ng tunog ng
generator kaya hindi narinig ni Agnes ang usap-usapan ng mga manonood na
tsismoso’t tsismosa na laking ganda raw ng gown ni Nieves na nirentahan lamang
ng one hundred pesos sa mga baklang modista sa bayan kaysa sa singkwenta mil na
suot ng Reyna Elena.
Kung
nagkataon, baka hindi na tinapos ni Agnes ang prusisyon sa inis, laluna’t
talagang humuhulas na ang kanyang make-up sa pawis dahil sa init ng ilaw na
nakatutuok sa kanya kahit pa nga panay na ang pahid sa kanya ng panyo ni Dońa
Aurora.
Nang
pumasok na sa simbahan ang prusisyon para sa bendisyon ng pari at sa huling
pag-aalay ng bulaklak sa Mahal na Birhen, lalong tumingkad ang ganda ni Nieves
sa pagkumpul-kumpol ng mga kasaling sagala sa Santacruzan. Namukod-tangi rin si
Sylvia sa suot nitong matingkad na sayang pula.
Sa
lahat ng mga dalagang nagsagala, silang dalawa lamang ang mukhang hindi napagod
sa mahabang nilakad ng prusisyon. Paano, sanay na sanay sila sa paglalakad.
Mula sa kani-kanilang bahay, mamamaybay sila sa mga pilapil sa palayan, tatawid
ng bukid at aakyat ng burol bago makarating sa mga pinapasukang eskwelahan sa
Ilaya. Lahat ng kasamahan nila sa Santacruzan, laluna sina Agnes at Thelma, na
parehong namulat sa hatid-sundong sasakyan, ay hinahapo’t hinihingal habang
papunta sa harap ng altar.
Ni
hindi nga nakarating sa paanan ng imahen ng birhen si Agnes dahil sumalampak na
lamang siya sa unahan ng simbahan at aksidenteng naupuan pa niya ang abay na
anghel ni Thelma na agad namang nagpalahaw ng iyak, kaya ang kanyang
Constantino na lamang ang binendisyunan ng pari at nag-alay ng bulaklak na
nangaluntoy na rin sa init ng panahon.
Hindi
maipinta ang mukha ni Dońa Aurora sa kahihiyan habang napapailing na lamang ang
mga Hermano’t Hermana Mayor. Abot-tainga naman ang ngiti ng mga tsismoso’t
tsismosang nagtiyagang tapusin ang prusisyon. Lahat sila’y naging saksi sa
tinamong papuri ng sentensiyadang si Nieves na mistulang isang tunay na Reyna
habang buong ningning na nag-aalay ng mga bulaklak sa altar.
LIMANG taon
na ang nakalipas mula nang nakatutuwang buwan ng Mayong iyon sa Sta. Maria.
Wala na siyang nabalitaan tungkol kina Agnes at Thelma. At dahil sa kanilang
pagsasagala, nagkalapit ang loob nila ng Infanta Judith na si Sylvia. Kinuha pa
nga nito si Nieves na abay sa kasal matapos itanan ng boyfriend nitong si
Efren. Sabay rin sila ni Sylvia na kumuha ng yellow card para maging
entertainers sa Japan. Nauna nga lamang siyang nakaalis. Naunang
makipagsapalaran.
Dahil
sa angking ganda, maraming nahumaling kay Nieves na mga costumers sa club na
kanyang pinapasukan. Mabilis siyang umasenso. Madalas magpadala ng pera sa
naiwang pamilya sa Sta. Maria. Hindi pa siya sumasagot ng oo sa mayamang Hapong
kasosyo ng amo niya sa club, niyaya na agad siya nito ng kasal.
Guwapo
si Kensaburo. Marami siyang kasamahan sa club na halos ipagduldulan ang mga
sarili rito pero talagang si Nieves lamang ang pinupuntirya’t halos gabi-gabi’y
siya ang binabantayan. Nagsawa na si Nieves sa mga tukso ng kanyang kasamahan
na kesyo suwerte siya’t hindi na dapat pakawalan ang masugid na manliligaw.
Pero may kung anong bumubulong na hindi si Kensaburo ang para sa kanya.
Hindi
maunawaan ni Nieves na sa dami ng mga lalaking umaaligid sa kanya, wala talaga
siyang mapusuan kahit isa. Ni hindi naman siya nainggit sa mga kasamahang palit
nang palit ng boyfriends na Hapon. Tama na sa kanya ang mag-isa. Hindi nga siya
masaya pero hindi rin naman siya nalulungkot. Hindi nga lamang niya
maintindihan kung ano ang kanyang nadarama. Nakapagtatakang parang hindi niya
matiyak kung ano talaga ang kanyang gusto. Hanggang lumipat siya sa Tokyo mula
sa Kobe. Doon muling nagtagpo ang landas nila ng kaibigang si Sylvia.
SILA ni
Sylvia ang naging tampok na singers sa club na iyon na pag-aari naman ng
kapatid ni Kensaburo. Para sila makatipid, isang kuwarto na lamang ang kanilang
inupahan ni Sylvia. Sinundan pa rin siya sa Tokyo ni Kensaburo pero ayaw na
niyang magpasundo’t magpahatid sa Hapones. Ginawa niyang dsahilan si Sylvia.
Hindi na niya kailangan ng kasama. Tutal, naroon naman si Sylvia.
Sa
itaas ng double-deck si Nieves nahihiga at gabi-gabi, sinisilip niya si Sylvia
habang ito’y natutulog sa ibaba. Ang mga pasilip-silip na iyon ang parang
pumupuno sa kakulangang dati’y kanyang nadarama at lalong nagtaka si Nieves
nang makaramdam siya ng pananaghili tuwing tatanggap ng sulat si Sylvia mula
kay Efren at tuwing naghuhulog ito ng sulat para sa asawa. Hindi siya nakahanda
sa natuklasan niya sa kanyang sarili.
Si
Sylvia ang nagpamukha sa katotohanang natutulog at nagtatago sa kanyang
katauhan.
“Tigilan
mo ang pagbi-beybi sa akin, Nieves. Hindi magandang tingnan. Pareho tayong
babae. Baka matsismis tayong tomboy,” sabi ni Sylvia noon bago ito tuluyang
magpaalam sa kanya at lumipat ng tirahan.
Nakaharap
siya sa salamin at nagme-make up nang bigla siyang sampalin ng katotohanang
hinahanap-hanap niya si Sylvia hindi dahil kaibigan niya ito kundi minamahal.
Pinagnanasaan. Tulad ng pagnanasa sa kanya ni Kensaburo. Kumalat ang mascara sa
kanyang pisngi. Hindi niya maunawaan ang sarili. Mas maganda siya kaysa kay
Sylvia. Mas babaeng tingnan. Mas mahinhing kumilos. Hindi niya matanggap na
lahat pala sa kanya ay kabaligtaran.
Kaya
sumama siya kay Kensaburo. Pinagbigyan niya ang gusto ng Hapones – na hindi
naman talaga niya gusto. Matapos ang lahat, bumaligtad ang kanyang sikmura’t
magdamag siyang suka nang suka sa hotel na pinagdalhan sa kanya.
UMUWI si Nieves sa Sta. Maria
noong Pasko. Hindi na siya bumalik sa Japan. Sa kanilang baryo na lamang siya
titigil at magnenegosyo. Marami na siyang naipong puwedeng ipuhunan. Iba na ang
tingin sa kanya ng mga kabaryo. Nakapagpatayo si Nieves ng sariling bahay. May
sarili nang sasakyan. Hindi na rin dumadalaw ang mga dating manliligaw dahil
sabi ng mga tsismoso’t tsismosa, naaalangan na raw ang mga ito sa kanyang
katayuan. Para kay Nieves, mas gusto niya ang ganoon. Walang nanggugulo.
Pinasyalan
siya nina Manang Felipa at inalok na maging Hermana Mayor para sa Santacruzan
ngayong Mayo. Hindi siya tumanggi. Kinuha niyang Reyna Elena si Thelma Azurin
na ngayon ay dalagang-dalaga na. Balikbayan din si Thelma. Sa San Diego,
California nga lamang ito galing dahil doon ito pinag-aral ng kanyang ina. Iba
talaga ang nagagawa ng pag-aaral at palalakbay dahil ngayon ay bagay na bagay
na kay Thelma na maging Reyna Elena. Sa prusiyon, isa pa nga si Nieves sa
nag-ilaw sa dalaga at may pagmamalaki sa kanyang mukha dahil sang-ayon ang
lahat sa kanyang pinili.
Nang
dumaan ang prusisyon sa tapat ng bahay ng mga Cailles, napansin ni Nieves si
Agnes na walang humpay sa pagkaway sa kanya na parang nakakita ng isang matagal
nang kaibigan. Niyaya siya ni Agnes sa loob ng bahay at kanya itong pinagbigyan
para magkumustahan.
MABILIS na
nagbihis si Agnes nang yayain ni Nieves na sumama ito sa simbahan para panoorin
ang pag-aalay ng bulaklak ng mga sagala sa Mahal na Birhen. Ginamit nila ang
kotse ni Agnes para mabilis silang makarating sa paroroonan.
Habang
nagmamaneho, kuwento nang kuwento si Agnes. Hindi raw nito ikinahihiya na
walang ama ang kanyang mag-iisang taon nang anak. Iba na raw ang panahon
ngayon. Wala na raw siyang pakialam sa sasabihin ng mga tsimoso’t tsismosa. Ang
mahalaga raw ay kung saan ito liligaya. Noon lamang napagtanto ni Nieves na
hindi nga gaanong kagandahan si Agnes Cailles pero may itinatago rin pala itong
nakapagpapagaan ng kanyang kalooban. Pumapasok na sa simbahan ang Reyna Elenang
si Thelma nang dumating sina Nieves at Agnes. Dali-dali silang bumaba ng kotse.
At magkahawak-kamay sa sumunod sa prusisyon.
No comments:
Post a Comment