Sunday, July 29, 2012

ANG SIGWA

ni German Gervacio

(SABAYANG PAGBIGKAS)


Dong Sen Dong Sen Dong Sen Dong Sen
Dong Sen Dong Sen Dong Sen Dong Sen
Dooooonggggg….

Hwoooshhhh! Hwooossshhhh! Hwoooshhhh!
Wzzzzzooozzzzz…Wzzzooooozzz…Wzzzooooozzzzzzz…

Hindi iyon dumating nang walang babala
May tanda, may tanda! Kami’y magigiba
Nawindang ang malay lahat ay tulala
Pumiglas ang puso, isip ay luluwa

Babala, babala: babaha, babaha!
Babala, babala: babaha, babaha!
Babala, babala: gigiba!
Babala, babala: gigiba!

Napabalikwas tayo noong gabing iyon
Ang una’y isang napakalakas na haplit ng hangin
Na sinundan ng pagkidlat at pagkulog

Kumabog, kumabog
Ang lupa’t dibdib, nayugyog
Nag-unahan ang libong sibat ng langit
Lumangitngit, lumangitngit
Bahay at buhay’ nabibingit

Wala tayong nagawa kundi ang pagmasdan

Kung paano labusawin ng hangin at ulan ang tumana
Kung paano yugyugin ang punongkahoy at halaman
Kung paano haplitin ang marupok na dibdib ng bahay
Kung paano dayukdukin ang ating yaman at kabuhayan
Kung paano nakawin ang pangarap at pag-asa
Kung paano burahin ang kahapon, ngayon at bukas

Bukas, bukas…bukas…

Huwasssss…hwasssssh….hwwwwasssshhhhh
Huwasssss…hwasssssh….hwwwwasssshhhhh

Buhok na hinangin ang nakuratang mandala
Nagpipingkiang kampilan ang talahib sa tagliran ng lambak
Matutulis na kuko ang along gumagalos sa baybay
Padabog ang mga trosong bumundol sa tadyang ng bahay

Tuyong dahong tinangay ang mga baka, baboy, aso, pusa, kalabaw
Balahibo ng manok na hinipan ang mga sasakyan, kural at poste
Mga langgam na sinabuyan ng tubig ang mga buhay at bangkay

Nanginginig, nangangatog, nagungurog
Nanginginig, nangangatog, nangungurog
Nanginginig, nangangatog, nangungurog

Pati tuktok at tadyang ng matikas na burol
Bundok, tulay, moske, simbahan, mansyon

Iniluwa ng lupa maging ang nangungunyapit na ugat
Mga ilog ay dugong bumubulwak-bulwak

Ang langit ay tila bulkang pumutok
Rumagasa ang lapok, lapok, lapok!

Hindi tayo makapaniwala sa nasasaksihan ng balintataw
Kinakalikaw, nilalabusaw, binabalisawsaw
Umaalingawngaw ang halakhak ni Maria Cacao

Haw haw de karabaw
Utok namo nakutaw
Haw haw de karabaw
Pag-asa’y di matanaw
Haw haw de karabaw
Lulubog, lilitaw
Lulubog, lilitaw
Lulubog, lilitaw…
Aw…aw…aw…awwwww!

Naagnas sa kumukulong tsokolate ang ref, tv, washing machine
Kompyuter, PSP, Xbox, Wii, Wii, Wii

Nabaklas ang tinaliang haligi, bubong at hagdanan
Ihit ng sanggol ay nakatarak sa dibdib nating subyang
Pakakak ni Kamatayan ang pumapailanlang


Hindi na natin matiyak kung ano ang troso o braso
Hindi na natin matiyak kung ano ang luha o ulan
Hindi na natin matiyak kung sino ang buhay o patay
Tayong lahat ay humihinga-hinga pang bangkay
Bangkay….bangkay….bangkay!

Hilong talilong ang mabubulaklak-ang-dilang politiko
Noynoying ang may hang-over pang nasa Palasyo
Kampanteng-kampante at walang paki
Kinikilig sa napanaginipang si Grace Lee
Hugas-kamay ang PAG-ASA at lokal na pamahalaan
Parang Makapiling turuan nang turuan

Ala-Harry Potter ang mga ganid at tuso!
Madyikera’t madyikero kanya-kanyang akto
Hokus pokus doon, hokus pokus dito
Binulsa ang konsyensya, nagpagamit sa demonyo!

Dahil bakit ang corned beef ay naging tinapa?
Ang imported na kumot ay naging mumurahing katsa?
Ang relief goods ay naimbak sa aparador ng iba
Milyong piso at dolyar, nakaninong bulsa?

Batid kaya nila ang pakiramdam ng isang nagpikit ng mata
Ng sanggol na hinugutan ng hininga sa kanilang kandungan?

Batid kaya nila ang pakiramdam ng sumalo
Ng basag na bungo ng kaibigan?

Batid kaya nila ang lamig ng huling pisil
Ng isang kapatid?

Batid kaya nila ang pakla sa puso
Ng isiping hindi natin kaya,

Hindi natin kayang yakapin
Lahat ang humuhulagpos na hininga
Ng ating mahal sa buhay,

At kailangan natin sila bilang karamay
At hindi bantay-salakay?

Subalit tanto rin nating lagi na lamang
Sa lupa tayo'y makadudulog—

Sa lupang inabuso ng pagtotroso
Sa lupang ginahasa ng pagmimina
Sa lupang ginahaman ng plantasyon
Sa lupang tanging kakampi natin ngayon!

Natikman ng basang lupa ang alat ng ating luha
Natikman niya ang anta ng ating paghikbi
Natikman niya ang lansa ng ating uhog
Natikman niya ang aplod ng nangungurog nating tuhod
Natikman niya ang pait ng mga dibdib nating giba
Natikman niya ang asim ng pagngiwi ng ating mukha
Natikman niya, ay! natikman niya!
At kanyang naunawaan

Kayamukat nating sinuhayan ang mga nabaling haligi
Kayamukat nating sinuhayan ang mga nabaling buto
Kayamukat mnating sinuhayan ang mga nabaling pananalig
Kayamukat nating sinuhayan ang mga nabaling kaluluwa
Kayamukat nating sinuhayan ang mga nabaling suhay

At sa gitna ng tikatik ng luha at ulan
Nakasilip panandali si Pag-asa

Mga bituing nangangako ng panibagong panaginip
Buwang sumasalamin sa mga nagampanang pagtataguyod

Nalimutan na tayong tipanin ng araw

Subalit hindi tayo nililisan ng silahis sa ating mata
At sa pakpak ng mga aninipot muling isinakay ang lagablab ng pangarap

Kung kailan maihahatid sa pinakamalapit sa pinakamalapit na bituin,
Ay hindi na mahalaga

Ang mahalaga'y pinili nating muli ang mangarap
Ang mahalaga'y natukuran nating muli ang ating kaluluwa
Ang mahalaga'y hindi napatid ang bigkis ng ating ugat
Ang mahalaga'y hindi naigupo ang tiwala sa ating sarili
Ang mahalaga'y may init pa rin ang ating puso't hininga

Ang mahalaga'y tanto pa rin natin ang siyang pinakamahalaga.

Dong Sen Dong Sen Dong Sen Dong Sen
Dong Sen Dong Sen Dong Sen Dong Sen
Dooooonggggg….

No comments:

Post a Comment